(Updated)
Nagdududa na ang grupong Associated Labor Union- Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa sinseridad ng Malacañang sa usapin ng endo o kontraktuwalisyayon sa bansa.
Ito ay ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Allan Tanjusay matapos silang makatanggap ng abiso mula sa Department of Labor and Employment o DOLE na kanselado ang nakatakda sanang pulong ng mga labor groups kay Pangulong Rodrigo Duterte ngayong hapon.
Dismayado rin aniya sila na hindi matutuloy ang inaasahan nilang pagpirma sana ng pangulo sa Executive Order o EO laban sa kontraktuwalisasyon.
Dagdag ni Tanjusay, walang ibinigay na dahilan ang DOLE sa pagkansela sa pulong at sa petsa kung kailan pipirmahan ang nasabing EO.
“Ang pagkakaalam kasi namin ang version ng Labor groups ayng kanyang pipirmahan kasi kami ang kanyang inutusang gumawa ng executive order, nagkaroon kami ng final meeting with Secretary Bello nung nakaraang Biyernes at doon nilinis at inayos naming maigi ang aming executive order at nung Biyernes ding yun ay naibigay namin agad yung kopya sa Office ng Executive Secretary, akala po talaga namin ay matutuloy ang 4pm singing ng executive order.” Ani Tanjusay
Isinisisi naman ni Tanjusay sa mga negosyante na aniya’y nagla-lobby at humaharang sa EO ang pagkaka-udlot sa nakatakda nilang pulong kay Pangulong Duterte at paglagda na nito sa nasabing kautusan.
“Hindi rin sinabi sa amin kung kaya’t nagdududa na kami ngayon dahil syempre ire-recognize natin na may mga interes na naglalaro sa paligid ng isyu ng contractualization dahil karamihan sa mga negosyante kasi ayaw nilang magbayad ng tamang pasahod at parang benepisyo sa mga manggagawa, ang nais nila ay manatiling contractual ang ating mga manggagawa.” Pahayag ni Tanjusay.
(Balitang Todong Lakas Interview)
Sa panayam din ng DWIZ, sinabi naman ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na pinag-aaralan na ng Malacañang ang pagsertipika ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent sa nakabinbing panukalang batas sa Senado kaugnay sa regulasyon sa kontraktuwalisasyon.
Ito ay ayon kay Bello ang dahilan sa kanselasyon ng nakatakda sanang pakikipagpulong ni Pangulong Duterte sa mga labor group.
Gayundin aniya sa inaasahang pagpirma ng Pangulo sa executive order laban sa endo at kontraktuwalisyon ngayong hapon.
Paggigiit ni Bello, mas magiging matibay aniya kung batas at hindi isang EO ang pipirmahan ng Pangulo.
Naniniwala naman si Bello na agad na tutugunan ng Senado ang panukalang batas hinggil sa kontraktiwalisasyon oras na pirmahan ito ni Pangulong Duterte bilang priority bill.
Kasabay nito, nilinaw ni Bello na hindi tuluyang pagbabawal kundi regulasyon lamang ng kontraktuwalisasyon ang nasaad sa nasabing batas.
“Dumaan na ang batas sa House of Representatives at papabilisin na lang ang pagpasa nito sa Senado. Ang purpose ng bill is not to prohibit (contractualization) totally, it is to regulate not to prohibit totally. Kasi merong mga serbisyo na hindi puwedeng ibigay sa regular employee, tulad ng seasonal employees, project-based na pagnatapos ay proyekto ay hindi na sila kailangan ng employer.”
“Ang gusto natin na as a general rule ay dapat direct hiring between the principal employer and the employee na kung maaari ay huwag nang idaan sa service providers.” Pahayag ni Bello
(Ratsada Balita Interview)