Sisimulan na ng mga kinatawan ng Pilipinas at Kuwait ang kanilang pagpupulong sa susunod na linggo para sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers na nagtatrabaho sa Kuwait.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, hawak na ng mga kinatawan ng Pilipinas ang draft ng bilateral agreement sa Kuwait.
Laman nito ang mga inilatag na kondisyon ng Pilipinas para matiyak ang seguridad at karapatan ng mga manggagawang Pinoy.
Matatandaang una nang sinabi ng Department of Labor and Employment na mananatili ang deployment ban hangga’t hindi natitiyak ang proteksyon sa mga OFW.
Ang focus natin ngayon ay ‘yung finalization ng memorandum of agreement between our government and the Kuwaiti government that will be done by next week kasi darating ‘yung kanilang technical working group para maki-negotiate sa ating technical working group and hopefully they can finish it in almost 2 days. After ma-finalize ‘yan, ang request naman ng Kuwaiti government, ako raw po ang pupunta doon for the signing. Pahayag ni Bello
Samantala, tiniyak ng gobyerno ng Kuwait na hindi na aabutin pa ng isang taon ang pagbibigay hustisya sa pinaslang na OFW doon na si Joanna Demafelis.
Ayon kay Philippine Ambassador to Kuwait Renato Villa, siniguro ng Kuwaiti government na mahahatulan ang mga suspek na sina Nader Essam Assaf at Mona Hossoun, ang mga employer ni Demafelis.
Kumpiyansa aniya ang piskal na mabigat ang kakaharaping parusa ng dalawa dahil sa dami ng mga ebidensya laban sa mga ito.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sa ngayon ay wala pang ulat kung na-extradite na ang mag-asawang amo ni Demafelis.
Hindi natin alam kung na-extradite na sila, kapag na-extradite ‘yan, they will judged in Kuwait, doon din ang trial, sa rinig namin, murder ang isasampa sa laban sa kanila. Paliwanag ni Bello