Kasado na ang isasagawang pulong sa pagitan nila Pangulong Rodrigo Duterte gayundin ni CBCP o Catholic Bishop’s Conference of the Philippines President at Davao Archbishop Romulo Valles ngayong araw.
Ito’y para ayusin ang gusot sa pagitan ng pamahalaan at ng simbahan sa harap na rin ng sunud-sunod na batikos na pinakakawalan ng pangulo laban sa mga pari at obispo na tumutuligsa sa administrasyon.
Pero para kay Legazpi Diocese Bishop Joel Baylon, isang uri lamang ng propaganda ang naturang pulong kung hindi naman magpapakita ng sinseridad ang pangulo.
Bagama’t welcome development aniya ang diyalogo sa pagitan ng dalawang lider, mas magiging epektibo iyon kung pakikinggan ang panig ng bawat isa at iwasan ang pagiging defensive.
Sinagot naman ni Manila Auxillary Bishop Broderick Pabillo ang hamon ni Pangulong Duterte hinggil sa pag-iral ng diyos.
Ayon kay Pabillo, walang katapat na materyal na patunay hinggil sa pag-iral ng Diyos dahil naka-ugat aniya iyon sa pananampalataya ng isang tao.