Hindi dinaluhan ng mga bansang may nuclear weapons ang kauna-unahang pag-uusap na ipinatawag ng UN o United Nations kaugnay ng pagpapatupad ng worldwide nuclear ban.
Pinangunahan ng United States ang pag-boycott kasama ang Russia, China, Great Britain, France at iba pang bansang armado ng nukleyar.
Giit ni US Ambassador to UN Nikki Haley, hindi magiging makatotohanan ang pag-disarma sa mga bansang may nukleyar samantalang aniya may mga bansang may masasamang lider ay hindi tatalima.
Partikular na tinukoy ni Haley ang North Korea, kung saan dalawang beses na nagsagawa ng nuclear test noong nakaraang taon pero hindi natinag sa babalang pagpapataw ng sanction ng UN.
Matatandaang mahigit sa isang daang (100) mga bansa ang bumoto sa isang UN General Assembly Resolution kaugnay ng pag-uusap sa worldwide nuclear ban noong nakaraang taon.
By Krista de Dios