Hindi sniper ang nakapatay kay Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili kundi isang bihasa sa paggamit ng long firearms.
Nilinaw ni CALABARZON Regional Police Office Director, Chief Supt. Edward Carranza na hindi maituturing na gawa ng isang sniper ang pumatay mula sa layong 160 meters.
Posible anyang ordinaryong marksman na may kakayahang makatama ng target sa layong 160 meters ang nasa likod ng pagpatay kay Mayor Halili.
Batay sa ballistic examination ay isang bala ng M-16 rifle ang ginamit at nagmula ang bumaril sa mataas na puwesto.
Sa resulta naman ng eksaminasyon ng PNP-Crime Laboratory, nawasak ang puso ng alkalde at nadamay din ang kaniyang atay dahil sa mga nagkapira-pirasong bala.
Isa itong indikasyon na “Hollow point bullet” ang ginamit sa pagpatay na isang uri ng bala na nakapagdudulot ng mas malaking pinsala kumpara sa mga ordinaryong ammunition.