Umani ng batikos mula sa mga mamamayan ang pagmumura di umano ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kay Pope Francis kamakailan.
Kesyo pati ba naman ang Santo Papa ay hindi na pinatawad at pinagbubungangaan pa ng alkalde.
Sabi nga ng nakararami, aba’y kung may galit ka sa gobyerno dahil sa hindi mabigyan ng solusyon ang trapik, huwag mo namang ibunton ito sa mataas na lider ng Simbahan.
Natural ito ang magiging reaksiyon ng publiko, lalo’t nirerespeto at minamahal ng nakararaming mga katoliko ang Santo Papa, patunay nito nang ito’y dumalaw sa ating bansa kamakailan.
Ngunit, hindi na siguro bago para sa lahat ang ganitong pag-aasta ni Mayor Duterte, na kapag may pinupuntiryang isyu ay talaga namang makakatikim ang mga nakikinig ng maanghang na salita, siyempre hindi nawawala ang mura na minsan ay talaga namang tagos sa laman.
Ika nga, dapat ilagay sa ayos at tama ng alkalde ang bibitiwang salita, lalo’t nakatutok ang sambayanan matapos siyang magdeklara ng kaniyang kandidatura.
Katunayan, marami ang nadismaya sa ginawang pagmumura ni Duterte.
May ilan na sang-ayon sa kanyang pagtakbo, ngunit dahil sa isang kamalian ay talagang ang ilan ay nagbaliktaran.
Sana ay maging babala ito kay Mayor Duterte, habang itinuturing siyang mabigat na pambato para sa Presidential bid.
Ngunit kung hindi tagala siya huminahon at iwasan ang mga salitang masakit sa tenga, aba’y huwag niya tayong sisisihin sa bandang huli kung ito ay mag-rereflect sa boto sa hinaharap.
Tandaan natin, ang anumang maling ginagawa ng mga matatanda, sa mata ng mga bata, ang lahat na ito ay nagiging tama at ginagaya.
Kaya kung maari, Mayor Digong, pumreno ka naman at ibaling mo ang iyong pagmumura sa mga salot sa lipunan at huwag sa mga alagad ng kabutihan.