Nanindigan ang Malakaniyang na naibaba ang lahat ng P165 bilyong pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 sa mga iba’t ibang line agencies.
Ito ang reaksyon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa puna ni Vice President Leni Robredo na hindi umano natupad ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipamahagi sa taumbayan ang sobrang P6 bilyong pondo matapos mapaso ang batas noong Hunyo 30.
Giit pa ni Roque, mainam na maghintay muna ang Bise Presidente sa ilalabas na ulat ng Department of Budget and Management (DBM) bago gumawa ng kaukulang panghuhusga.
Mayruon pa aniyang hanggang Hulyo 15 ang mga ahensya ng pamahalaan para iulat sa DBM kung paano nila ginastos ang pondo at kung magkano pa ang natira rito.
Una nang inihayag ng Malakaniyang na nakadepende sa mga hindi nagamit na pondo sa ilalim ng Bayanihans 1 at 2 ang P405 bilyong pondong gagamitin naman sa panukalang Bayanihan 3 na layong pasiglahin na ang ekonomiya ng bansa matapos ang ilang taong quarantine.