Hinimok ng isang kilalang punerarya sa Cebu City ang mga ospital na ayusin na ang kanilang storage facilities bilang preventive measure laban sa COVID-19.
Ito’y upang matiyak na hindi makahahawa ng COVID-19 ang mga pumanaw na pasyente.
Ayon sa manager ng punerarya na tumangging magpabanggit ng pangalan, hindi muna dapat i-release ng mga ospital ang mga namatay na COVID patient kung hindi pa naisasapinal ang funeral arrangement.
Ngayong Hulyo anya sila nakapagtala ng pinaka-maraming namatay sa COVID-19 at tinatanggihan na nila ang hiling ng ilang pamilyang ilagay muna sa freezer ang labi ng kanilang kaanak, dahil apat na bangkay lamang ang kaya nilang i-accommodate bukod pa sa fully booked na rin sila.
Tiniyak naman ng Cebu City Health Department Cadaver Division Head, Dr. Alice Aycardo na mino-monitor na nila ang sitwasyon ng mga funeral parlors at sementeryo.
Sa ngayon anya ay 64 na death certificates na ang kanilang bineberipika kung pawang may kaugnayan sa COVID-19 ang mga ito. —ulat mula kay Drew Nacino