Dapat tiyakin ang puspusang vaccination program ng gobyerno kahit ibaba na sa alert level 1 ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Ayon kay Senator Francis Tolentino, Chairman ng Senate Committee on Local Government, kailangang magpatuloy ang pagtuturok ng COVID-19 vaccine at booster shots sa lahat ng mga kwalipikadong indibidwal.
Iginiit pa ng senador na kahit mababa na ang bilang ng mga tinatamaan ng sakit, nariyan pa rin ang banta ng virus.
Susi rin aniya ang pagbabakuna sa unti unting pagbalik sa normal gaya ng face to face classes.
Inaasahan namang maghihinay hinay ang IATF sa desisyon hinggil sa alert level at ibabatay ito sa payo ng mga eksperto sa kalusugan. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)