Sa murang edad, nalagay sa alanganin ang kalusugan ng isang lalaki matapos patulan ang hamon sa kaniya ng kaniyang kaibigan.
Ang buong kwento, eto.
Dalawang magkaibigan sa Russia ang napagkatuwaan na magpustahan. Hinamon ang isang lalaki ng kaniyang kaibigan na mag-squat ng dalawang libong beses.
Dahil sa kumpyansa sa sarili, kumasa ang lalaki sa challenge.
Bukod sa tipikal na nararamdaman ng isang tao matapos mag-squat, nakaramdam daw ng labis na pagsakit at pamamaga ang mga binti ng lalaki. Pero ang kataka-taka rito, nag-iba raw ang kulay ng kaniyang ihi at naging dark brown. Hindi nagtagal ay hindi na rin daw maka-ihi ang lalaki.
Dahil sa pagkabahala ay agad na nagpacheck-up ang lalaki at na-diagnose ng Rhabdomyolysis o ang pagbe-breakdown ng muscle tissue at pagkalat nito sa dugo.
Maaaring maging life-threatening ang kondisyon na ito lalo na kung hindi ipapagamot dahil maaari itong magresulta sa kidney failure, cardiac problems, o di naman kaya ay kamatayan.
Ang sunud-sunod na pag-squat ng lalaki nang dalawang libong beses, tuluyan na ngang nagdulot ng muscle breakdown sa kaniyang legs, at matapos ang isang comprehensive examination, lumalabas na ang lalaking nasa early 20s pa lang ay hindi na nagfa-function nang 100% ang kidney.
Sa kabutihang palad, hindi naman kinailangan ng lalaki na magpa-dialysis pero kakailanganin niya ng tiyaga dahil kakailanganin niya munang dumaan sa rehab na maaaring umabot ng ilang buwan o taon.
Ikaw, itataya mo rin ba ang kalusugan mo para lang may mapatunayan sa isang simpleng pustahan?