Magreresulta ng kaguluhan sa mundo sakaling maglunsad muli ng pag-atake sa Syria ang Western powers sa pangunguna ng Estados Unidos.
Ito ang babala ni Russian President Vladimir Putin matapos ang isinagawang missile strike ng US at airstrikes ng United Kingdom at France bilang ganti sa hinihinalang chemical attack ng Syrian government sa mga sibilyan sa lungsod ng Douma.
Sa pag-uusap sa telepono nina Russian President Vladimir Putin at Iranian President Hassan Rouhani, kapwa naniniwala ang dalawa na nasira na ng nasabing pag-atake ang tiyansa na magkaroon ng resolusyon sa pitong taong civil war sa Syria.
Iginiit ni Putin na sakaling salakayin muli ng US, UK at France ang Syria ay tiyak na magkakaroon ng konsekwensya o posibleng rumesbak ang Russia.
—-