Muling nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na hindi agaran ang pagpapatupad ng modernisasyon sa sektor ng transportasyon sa Pilipinas.
Iyan ang binigyang – diin ni DOTr Secretary Arthur Tugade sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Services kaugnay sa Public Utility Vehicle (PUV) modernization.
Ayon kay Tugade, may sapat aniyang panahon para mapalitan ang lahat ng lumang jeepney dahil naglagay sila ng window period batay na din sa napagkasunduan sa kanilang mga isinagawang konsultasyon
Giit naman ni DOTr Assistant Secretary Mark De Leon, hindi nila layuning tanggalan ng kabuhayan ang mga tsuper bagkus ay nais nilang bigyan ng dagdag na kita ang mga ito sa pamamagitan ng mas malaki, mas ligtas at mas kumbinyenteng mass transport
P4.1-B, nalulugi sa ekonomiya ng Pilipinas dahil sa trapik araw – araw
Dumoble pa sa apat punto isang bilyong piso (P4.1-B) ang nawawala o nalulugi sa ekonomiya ng Pilipinas dahil sa nararanasang matinding trapik partikular na sa Metro Manila araw – araw.
Iyan ang inihayag ng DOTr sa pagdinig ng senado hinggil sa PUV modernization program ng pamahalaan na naglalayong bigyan ng kumportable at ligtas na mass transport ang publiko.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary Mark De Leon, ang nasabing halaga aniya ay batay sa naging pag – aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ngayong taon na mas mataas ng isa punto pitong bilyong pisong (P1.7-B) lugi kumpara sa inilabas nitong datos noong 2014.
Isinisi ni Asec. De Leon sa mga luma at kakarag – karag na mga pampublikong sasakyan ang paglala ng trapiko sa kalakhang Maynila na siyang nagiging sanhi ng mga reklamo at batikos mula sa publiko.
Sen Poe sa DOTr at transport group: ‘Magbigayan’
Pinagsabihan ni Senadora Grace Poe ang DOTr at mga kinatawan ng transport group na magbigayan hinggil sa isyu ng transport modernization.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Public Services, nagharap ang mga transport group gayundin ang mga opisyal ng DOTr sa pamumuno ni Secretary Arthur Tugade.
Nanindigan naman si Tugade na kailangan nang mailarga ang PUV modernization program sa susunod na taon bilang pagtalima na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod nito, nagpasalamat naman si Poe sa jeepney drivers at operators na tumugon sa kaniyang panawagan na isantabi ang kanilang planong tigil – pasada noong Disyembre 4 at 5.