Patuloy na isinusulong ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Public Utility Vehicle (PUV) modernization program.
Ito ang inihayag mismo ni LTFRB Chairman Martin Delgra III, sa kabila ng nararanasang pandemiya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na nakaapekto sa pangkabuhayan ng mga tsuper at operators.
Iginiit ni Delgra, matagal nang isinusulong ang programa at 2017 o tatlong taon na ang nakararaan nang simulan ito.
Aniya, magreresulta sa mas maraming problema sa bahagi ng mga jeepney drivers at operators kung maantala o matitigil ang pagpapatupad ng modernization program.
Binigyang diin pa ni Delgra, hindi lamang aniya mga bulok at mauusok na jeepney ang nais nilang baguhin sa ilalim ng modernization program kundi maging lumang sistema ng pagba-boundary.