Hindi na mapipigilan ang modernization program ng libu-libong public utility vehicle (PUV) sa buong bansa.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Mark De Leon, kailangan nang ipa-junkshop ang nasa 170,000 na luma at bulok na jeep sa pamamagitan ng accredited scrapping companies hanggang sa taong 2020.
Hindi na aniya akma sa makabagong panahon ang mga luma at kakarag-karag na jeep.
Aabot sa P20,000 hanggang P30,000 ang presyo ng kada lumang jeep bilang pandagdag sa P80,000 government subsidy para sa pagbili ng bago at environmentally compliant vehicle na nagkakahalaga ng P1.8 milyon.
Sa ilalim ng modernization program, dapat ay mayroong 22-person seating capacity at isang side door ang modernong jeep bukod pa sa pagiging euro-4 emission standard upang makabawas ng polusyon sa hangin.