Nanindigan ang Department of Transportation (DOTr) na tuloy ang pagpapatuloy ng PUV modernization program.
Sa kabila ito ng bantang transport strike.
Sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na tuloy ang PUV Modernization Program (PUVMP) dahil itinuturing itong pinakamalaking transformational initiative ng administrasyong Duterte.
Layunin ng PUVMP na palitan ang mga kakarag-karag, mausok at takaw disgrasyang pampublikong sasakyan ng mga modernong PUV sa tulong at subsidy mula sa gobyerno para sa mas ligtas at maginhawang pagbiyahe ng mga commuter.
Nilinaw ni Tugade na ang programa ay hindi lamang kaugnay sa pagpapalit ng mga lumang modelo ng PUV kundi para mabago na rin ang sistema at kultura sa kalsada, bigyang diin ang kaligtasan, pagpapanatili ng kapaligiran, pagpapabuti ng kabuhayan ng mga driver at operator at pagbibigay ng dagdag na kaginhawahan sa mga pasahero.