Iminungkahi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Department of Transportation (DOTr) ang pag-waive ng ilang regulatory fees na ipinatutupad laban sa ilang public utility vehicle operators (PUVs).
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, ito ay maituturing na tugon sa panawagan ni Provincial Bus Operations Association of the Philippines Director Alex Yague.
Batay aniya sa Bayanihan 2, may nakalaan din namang pondo ang DOTr para sa mga apektadong industriya tulad ng transport sector.
Maliban dito, ayon kay Delgra, makatatanggap din ang mga PUV operators ng cash at fuel subsidies mula sa Bayanihan 2 allotment.
Magugunitang nagpalabas ng Memorandum Circular ang LTFRB kung saan pinapayagan na nito ang muling pagbiyahe ng 286 buses sa ilang ruta papasok at palabas ng Metro Manila at maging sa Region 3 at Region 4-A.