Humihina na umano ang puwersa ng Maute Group na nakikipagbakbakan sa mga otoridad sa Marawi City.
Paniniwala ito ni Lt. Col. Emmanuel Garcia, Commander ng 4th Civil Relations Group ng Wesmincom o Western Mindanao Command, kasunod ng aniya’y iilang beses na lamang na pagsagot ng putok ng teroristang grupo.
Sinabi ni Garcia na posibleng kakaunti na lamang ang mga miyembro ng Maute Group na natitira sa Marawi City.
Tiwala si Garcia na nauubos na ang mga bandido na dapat ay sumuko na lamang sa gobyerno dahil hindi aniya sila titigil para maibalik ang kapayapaan sa Marawi City at maging sa buong Mindanao.
Mga miyembro ng Maute na nakapasok sa Marawi nasa 138
Pumapalo sa isandaan at tatlumput walo (138) ang mga miyembro ng Maute Group ang nakapasok sa Marawi City.
Ipinabatid ito ni Col. Jo-ar Herrera, spokesman ng 1st Infantry Battalion ng Philippine Army, base na rin sa kanilang assessment.
Sinabi ni Herrera na dahil sa patuloy na airstrikes at ground troop movement, nagtatangka na ang mga bandido na lumabas ng Marawi City.
Ilan sa mga bandido aniya ay nahuli nilang sumasabay sa mga naiipit na sibilyan.
Kasabay nito, inihayag ni Herrera na nananatili sa tatlumput walo (38) ang bilang ng mga napatay na sundalo sa bakbakan sa Marawi City samantalang tatlumpu (30) na ang napatay na sibilyan ng Maute Group.
By Judith Estrada – Larino