Ipinagmalaki ng AFP o Armed Forces of the Philippines na tuluyan nang napilayan ang puwersa ng Maute – ISIS terror group sa Marawi City.
Ito’y ayon Kay AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año makaraang kumpirmahin nito ang pagkakapatay ng militar kina ISIS Emir at Abu Sayaf Leader Isnilon Hapilon at Maute group leader Omar Maute.
Sa isang pulong balitaan sa Marawi City, sinabi ni Año na bagama’t may mga dayuhang terorista pa ang nasa loob ng main battle area, nakatitiyak siyang hindi na ito tatagal pa sa bakbakan.
Batay sa tala, sinabi ni Año na 20 bihag na kanilang nasagip kabilang na ang dalawang buwang gulang na sanggol na isinilang mismo sa main battle area.
Ngunit mayruon pa aniyang mga bihag ang nananatili pa rin sa naturang lugar na kailangan nilang sagipin kabilang na ang mga sinasabing ka-anak ng magkapatid na Maute.