Aminado ang Philippine National Police (PNP) na marami pa silang dapat gawin upang makahikayat at makapili ng mga karapat-dapat maging pulis ng bansa.
Ito ang inihayag ni PNP Chief P/Gen. Camilo Cascolan sa kaniyang pagharap sa kamara upang idepensa ang pondo ng PNP para sa susunod na taon.
Sa pagtaya ng PNP, aabot lamang sa 9,737 o 31% lang ang posible nilang ma-recruit mula sa target nilang 30,572 na pulis sa unang anim na buwan ng susunod na taon.
Kasalukuyang may 203,538 ang kabuuang bilang ng mga pulis sa buong bansa kung kaya’t sobra pa ng 40 ang kanilang binabantayan mula sa ideal ratio na isang pulis sa kada 500 indibiduwal.
Gayunman, tiniyak ni Cascolan sa mga mambabatas na hindi magpapabaya ang kasalukuyang puwersa ng PNP para tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng publiko at magagampanan nito ang kanilang mandato na labanan ang iligal na droga, krimen at terrorismo sa bansa.