Hindi nabibigyan ng pansin ang mga magagandang nagagawa ng administrasyong Duterte.
Ito ang ipinahayag ni Senador Tito Sotto sa panayam ni Cely Bueno sa programang Usapang Senado sa DWIZ.
Binigyang-diin ni Sotto na dapat kilalanin ng publiko ang mga magagandang proyekto ng Duterte administration katulad ng libreng matrikula para sa mga estudyante ng SUC’s o State Universities and Colleges.
Nabigyan-daan din aniya ng administrasyon ang libreng irigasyon para sa mga magsasaka.
Iginiit din ni Sotto na imbes 100% ay 200% ang naging pagtaas ng exportation ng mga mangga’t saging, na karamihan ay sa bansang China.
Ngunit, aniya, sa halip na mga ito ang ibinabalita ng media, mas pinagtutuunan ng pansin ang mga umano’y EJK’s o extra-judicial killings ng bansa.
“Alam ba ng mga kababayan natin at alam ba ng media? naisusulat ba ng media? na 200% na ang taas ng exportation natin ng saging, yung exportation natin ng mangga, imbes na dating 100%, 200% na rin ang export natin, marami sa China.”
“Ang napapag-usapan ay yung EJK eh, hindi napapag-usapan kung ano yung mga gains na nagawa nitong administrasyon na 9 na buwan pa lang, marami nang nagawa sa 6 o 12 taon ng ibang administrasyon”
Samantala, ibinahagi ni Sotto na nagpatawag si Senate President Koko Pimentel ng emergency meeting bukas, araw ng Linggo, para pag-usapan umano ang mga dapat gawin sa pagbabalik ng sesyon sa senado sa Mayo.
By Race Perez |Usapang Senado (Interview)