Nababahala ang Citizens Action Against Crime sa pahayag ni incoming president Rodrigo Duterte na ipaubaya sa mga sibilyan ang pagdakip sa mga sangkot sa illegal drugs.
Ayon kay Teresita Ang See, Founding Chairperson ng CAAC, tama lamang na magtulungan ang pamahalaan at ang sibilyan para malinis sa illegal drugs ang bansa subalit hindi ito dapat idaan sa short cut na paraan.
Kumbinsido si Ang-See na mas marami pa rin ang matinong pulis na puwedeng magamit sa kampanya ng incoming president kumpara sa mga bulok at sangkot sa katiwalian na mga pulis.
Una nang sinabi ni Duterte na maglalaan sya ng isang bilyong pisong pondo bilang pabuya para sa mga makakahuli o makakapatay ng mga drug lords.
“Maling mali ito para tayong nagiging wild wild west, tayo na yung judge and jury, who gave us the right to play God? Parang inaamin na rin niya na hindi kaya kung hindi gagamitan ng short cut, masyadong chaotic ang mangyayari kung sila na rin ang magiging batas, ang mangyayari niyan ay sila sila na rin ipagkakanulo nila dahil karibal nila.” Ani Ang See.
Justice System
Ang mabagal na paggulong pa rin ng hustisya sa bansa ang nakikitang dahilan ng CAAC o Citizens Action Against Crime kung bakit laganap pa rin ang krimen.
Inihalimbawa ni Teresita Ang-See, Founding Chairperson ng CAAC ang pagtanggi ng pamilya ng mga kidnap victims na magsampa ng demanda laban sa mga kidnappers dahil sa tagal ng proseso at laki ng gastos.
Mahirap rin anyang matigil ang kidnapping dahil kahit nahuhuli na ang mga kriminal ay nagpapatuloy ang kanilang operasyon kahit pa nasa loob na sila ng bilangguan.
“Ang dami sa mga kidnapping cases na nangyayari ang financer ay nasa Bilibid yung negotiation dun pumapatak sa Bilibid alam nila yanh bakit hindi nagagawan ng paraan, isa talaga yan sa sinasabi nating criminal justice system.” Pahayag ni Ang See.
By Len Aguirre | Ratsada Balita