Kaya umanong patunayan ng Philippine National Police (PNP) ang unti-unting paghina ng pwersa ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Pahayag ito ni PNP Chief P/Gen. Debold Sinas sa harap ng sunod-sunod at lalo pang pinaigting na operasyon ng mga tropa ng gobyerno laban sa komunistang grupo.
Mula Disyembre 18 hanggang sumapit ang ika-52 anibersaryo ng CPP noong Disyembre 26 ay nakapagtala na ang PNP ng 108 mga rebelde ang naaresto habang nakuha sa kanila ang nasa 45 na mga armas.
Kasabay din nito ani Sinas ang pagsuko ng may humigit kumulang nasa 35 mga dating rebelde sa Caraga at Eastern Visayas Regions dahil na rin sa gutom, pagod at walang katiyakan sa kanilang ipinaglalaban.
Habang sa halos buong taon o magmula nitong Enero hanggang Nobyembre, 366 ang naaresto, 117 ang napatay sa operasyon habang 2,829 naman ang piniling magbalik loob.
Bagama’t mayroon pa ring umiiral na pandemya ng COVID-19, tiniyak ni Sinas na hindi kailanman sila titigil sa pagtutok upang mapigilan ang mga pwersang banta sa pambansang seguridad.