Bumaba ang net public satisfaction rating ni Vice President Leni Robredo sa huling quarter ng 2016.
Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS, 58 porsyento ng mga Pinoy ang kuntento sa performance ni Robredo, 21 porsyento ang hindi kuntento habang 20 porsyento ng mga Pinoy ang undecided.
Dahil dito, nakakuha ang Pangalawang Pangulo ng net rating na positive 37 na mas mababa ng 12 porsyento sa nakuha nitong positive 49 percent na satisfaction rating noong third quarter.
Samantala, bumaba din ang satisfaction ratings nina Senate President Koko Pimentel, House Speaker Pantaleon Alvarez at Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Si Pimentel ay nakakuha ng positive 30 na net rating na mas mababa ng 7 puntos kumpara nuong ikatlong bahagi ng 2016.
Si Alvarez naman ay nakakuha ng positive 22 percent na net rating habang si Sereno ay may net satisfaction rating na positive 16 na mas mababa mula sa positive 26 net rating nito noong third quarter.
Ang naturang survey ay isinagawa noong Disyembre 3 hanggang 6 sa may 1,500 respondents.
Still ‘good’ satisfaction rating
Nagpasalamat naman si Vice President Leni Robredo sa patuloy na suporta sa kanya ng mamamayang Pilipino.
Sa harap ito ng pananatiling mataas ng kanyang satisfaction rating batay sa survey ng Social Weather Stations o SWS.
Tiniyak ni Robredo na patuloy syang makikinig sa boses ng taongbayan upang mas lalo pa siyang makapagsilbi sa mga nangangailangan.
Binigyang diin ni Robredo na determinado sya sa kanyang misyon na iangat ang pamumuhay ng mga mahihirap at napag-iiwanang mga Pilipino sa pamamagitan ng Angat Buhay, ang poverty alleviation program ng Office of the Vice President.
Si Robredo ay nakakuha ng 37 percent net satisfaction rating sa pinakahuling survey ng SWS, mababa ng 12 points sa dating 49 percent subalit itinuturing pa ring good ratings ng SWS.
By Ralph Obina | Len Aguirre