Sa ginanap na bilateral meeting sa pagitan nila Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Qatari Amir Sheikh Tamim Bin Hamad Al Thani, pinuri ang kontribusyon ng overseas Filipino workers (OFWs) sa pag-unlad ng Qatar.
Nagsisilbing pangalawang tahanan ng higit sa 240,000 Filipinos ang Qatar.
Batay sa datos noong 2022, umabot sa $895 million ang remittances ng OFWs sa Qatar patungong Pilipinas.
Ayon sa Amir ng Qatar, itinuturing nila ang Pilipinas bilang mahalagang kasosyo sa iba’t ibang larangan, partikular na sa kalakalan at ekonomiya.
Pagbibigay-diin niya, lalo pang mapalalakas ang relasyon ng dalawang bansa sa pamamagitan ng mas pinaigting na komunikasyon.
Para naman kay Pangulong Marcos, lilikha ng mas maraming oportunidad ang kooperasyon ng Pilipinas at Qatar. Mas magiging matatag rin aniya ang kanilang kolaborasyon sa commercial level, government-to-government level, at people-to-people level.