Bantay sarado ang lokal na pamahalaan ng Quezon City matapos magpositibo ang isa nilang residente sa UK variant ng coronavirus.
Ang unang kaso ng UK variant sa bansa ay mula sa isang 29-anyos na lalaking Pinoy na nanggaling sa United Arab Emirates (UAE) at dumating sa Pilipinas nitong ika-7 ng Enero.
Ayon sa QC local government unit, kaagad namang nagkasa ng contact tracing ang City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) para sa mga nakasalamuha ng pasyenteng umalis ng bansa at nagtungo sa Dubai noong ika-27 ng Disyembre dahil sa negosyo.
Hinihintay din ng CESU ang listahan ng mga pasahero sa Department of Health para malaman kung mayroon pang ibang pasaherong residente ng Quezon City.
Kaugnay nito, naghigpit na rin ang Quezon City Police at inatasan ang lahat ng station commanders na paigtingin pa ang pagpapatupad ng lahat ng regulasyon at ordinansa sa lungsod para mapigil ang pagkalat ng UK variant.