Waived na, o hindi sisingilin ng Quezon City Government ng renta, ang mga nagtitinda ng karne sa mga pampublikong palengke sa lungsod na apektado ng price ceiling sa baboy at manok.
Ito ang napagpasyahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte matapos mag-ikot sa Commonwealth Market at Mega Q Mart kasama ang ilang opisyal ng gobyerno.
Hindi na aniya sisingilin muna ng renta ang mga meat retailer para makaagapay ang mga ito sa krisis at hinihimok nila ang mga pribadong palengke na gawin din ito.
Kasabay nito, inatasan ni Belmonte ang Market Development and Administration Department na makipag-ugnayan sa mga vendors para sa kakailanganing ayuda habang hinihintay ang ibibigay na subsidy mula sa Department of Agriculture.
Ika-1 ng Pebrero nang ipag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng price cap sa karneng baboy at manok sa loob ng 60 araw sa National Capital Region na epektibo noong Lunes, ika-8 ng Pebrero.