Naglaan na ng sampung milyong pisong tulong pinansiyal ang Quezon City Government para sa mga magbababoy na posibleng naapektuhan ng ASF o African Swine Fever ang kanilang mga alaga.
Ayon kay Q.C Mayor Joy Belmonte, kanilang babayaran ang mga magbababoy ng tig 3,000 piso kada baboy na boluntaryo nilang ibibigay sa mga otoridad para maisailalim sa culling.
Kasabay nito, pinaalalahanan din ni Belmonte ang mga mamimili na tiyaking may certificate o tatak mula sa NMIS o National Meat Inspection Service ang mga bibilhing karneng baboy bilang pag-iingat.
Hinimok din ng alkalde ang mga residente sa Quezon City na isuplong ang mga tindahang nagbebenta ng mga karneng baboy ng walang wastong inspection certificates para hindi makalusot ang mga kontaminado ng ASF.