Papayagan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang pagsasagawa ng kilos protesta kasabay ng ika-limang SONA o State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa batasang pambansa sa Lunes, Hulyo 27.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, kanilang kinikilala ang karapatan sa pagpapahayag at malayang pagsasalita alinsunod na rin sa BP 880 o batas na nagbibigay ng karapatan sa pagsasagawa ng mapayapang pagtitipon.
Gayunman, sinabi ni Belmonte na magtatakda sila ng mga limitasyon lalu na’t kanila ring ni-rerespeto ang right to life at right to health sa gitna ng nararanasang pandemiya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Dagdag ni Belmonte, dapat tiyakin ng mga raliyista na mahigpit nilang susundin ang umiiral na minimum health standards tulad ng pagsusuot ng mask at pag-obserba sa physical distancing.
Sakaling makitang nalalabag ng mga ito ang inilatag na kondisyon ng lokal na pamahalaan, may karapatan aniya ang mga awtoridad na mapayapang buwagin ang demonstrasyon.
Iginiit pa ni Belmonte, dapat ding dumalo sa ipatatawag na pulong ng PNP at Q.C. LGU ang mga lider ng iba’t ibang grupo para matalakay ang mga kondisyon tulad ng pagkuha ng permit, bilang ng mga maaaring dumalo sa kilos protesta at lugar kung saan lamang itong gawin.