Siniguro ng liderato ng Quezon City kay Ana Patricia Non at sa iba pang mga residente ng lungsod na suportado nila ang ‘community pantry’.
Sa isang pahayag, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na kaakibat ng kanilang pagsuporta ay kanila ring sisiguruhin ang kaligtasan ng mga organizers at mga benepisyaryo ng mga ito.
Sa katunayan, ani Belmonte, ay tumutulong ang mga tauhan ng Task Force Disiplina at iba’t-ibang kawani ng barangay para mapanatili ang kaayusan sa Maginhawa Community Pantry.
Nauna rito, nag-viral online ang hakbang ni Ana Patricia Non na magtayo ng community pantry kung saan puno ang mga ito ng samu’t-saring pagkain at pupwedeng kumuha rito ang mga nangangailangan habang maaari namang mag-donate rito ang mga may kakayahang mga indibidwal.
Samantala, para naman sa kaligtasan ni Non, agad na pinaiimbestigahan ni Belmonte sa pulisya ang umano’y hindi magandang dinanas ni Non.