Walang nakikitang dahilan ang Quezon City Government para pagbawalang bumiyahe ang mga traysikel na ginagamit bilang school service.
Bilang reaksiyon sa pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, binigyang diin ni QC Vice Mayor Joy Belmonte na tutol sila sa ideyang i-ban ang mga traysikel na naghahatid-sundo ng mga bata sa mga paaralan.
Giit ni Belmonte, sila ang nag-iisyu ng prangkisa sa mga traysikel at wala naman silang nakikitang problema hinggil sa ‘overloading’.
Mahalaga aniyang magkaroon ng mahigpit na regulasyon na susundin ng tricycle operators katulad na lamang ng pagiging hindi kolorum o walang rehistro at hindi overloaded.
Maliban dito, sinabi ni Belmonte na kumpara sa nakasanayang school bus service, mas mura ang pasahero sa traysikel at mas praktikal aniya itong gamitin.