Idinepensa ng Quezon City government ang pagpapauwi ng ilang ospital sa tatlong residente ng Quezon City na may sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Doctor Rolando Cruz, hepe ng Epidemiology and Surveillance unit ng Quezon City, sinunod lamang ng mga ospital ang direktiba ng Department of Health (DOH).
Nakasaad anya sa memorandum 2020-0108 ng DOH na pauuwiin ang lahat ng mga mayroong mild symptoms lalo na ang mga bata pa para sa istriktong self- isolation at close monitoring ng health authorities.
Gayunman, bantay sarado na anya ngayon ng uniformed personnel ang bahay ng mga pinauwing may mild symptoms upang matiyak na isolated ang mga ito.
Gumagawa na rin anya ng paraan ang Quezon City government upang makahanap ng lugar kung saan pwedeng ilagay ang mga walang kapasidad na sumailalim sa self-quarantine dahil sa maliit na tahanan.
49 na ang kaso ng COVID-19 sa Quezon City kung saan tatlo rito ang namayapa na.