Nagbabala ang Quezon City Government sa mga namemeke ng dokumento upang makakuha ng Persons With Disability (PWD ID).
Ayon sa QC LGU, ipinakalat na nila ang mga tauhan ng Quezon City Persons with Disability Affairs Office (PDAO), katuwang ang City Legal Department at Quezon City Police District (QCPD) kung saan, isang indibidwal ang nahuling nameke ng dokumento.
Nabatid na isinumite umano ng naturang fixer ang pekeng medical certificates sa QCE-services portal at nagpanggap na sila ay may sakit na diabetes mellitus at dyslipidemia para makapag-apply ng PWD ID.
Dito na kinontak ng tauhan ng PDAO ang doktor, na sinasabing nagsagawa ng medical assessment para sa mga fictitious patients pero napag-alaman na wala ang mga ito sa kanilang database.
Sa naging pahayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, kaniyang sinabi na ang City Government ay strikto pagdating sa pag-assist at pag-proseso ng nasabing mga dokumento upang maiwasan ang anumang uri ng maling representasyon dahil makakaapekto ito sa kapakanan at karapatan ng taumbayan partikular na ang mga nabibilang sa vulnerable sectors.
Matatandaang inilipat ng City Government ang kanilang mga serbisyo Online upang madali nang matukoy ng PDAO ang mga taong nagtatangkang magsumite ng mga fictitious documents upang makakuha ng pwd id na kanilang magagamit para makakuha ng iba’t ibang discount at benepisyo.
Ang sinomang mahuhuling fixer, ay posibleng maharap sa parusa at kaukulang kaso.