Inianunsyo ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang kanilang agarang paghahanap ng mga karagdagang contact tracers para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nangangailangan umano ang lungsod ng 30 field contact tracers na bukas para sa mga nurse, medical technologists at mga kaugnay na health professionals pati na ang mga midwives.
Bukas din ang naturang posisyon sa mga nakatapos ng apat na taong kursong may kaugnayan sa kalusugan, habang mas malaki naman ang tiyansang makakuha ng naturang trabaho ang mga nakapagtrabaho na sa ospital o sa clinic.
Aabot naman sa P15,000 hanggang P32,000 ang sahod ng isang contact tracer.
Kabilang din sa benepisyong matatanggap ng mga maku-kuwalipika bilang contact tracer ay ang accommodation at transportation ng mga ito at pagkakalooban din ng hazard pay.
Kasunod nito ay tiniyak ng QC Epidemiology and Surveillance Unit (ESU) na mayroon silang matatag at epektibong safety protocols kontra COVID-19 para sa mga aplikante.
Sa ngayon ay wala sa mga empleyado ng QC-ESU ang tinamaan ng COVID-19 sa loob ng tatlong buwang nararanasang pandemya sa Quezon City.