Tuluy-tuloy ang manhunt operations ng QCPD o Quezon City Police District sa suspek sa panibagong insidente ng road rage killing noong Sabado sa Quezon City.
Sa kabila ito ng pagpapadala ng abogado ng pamilya ni Fredison Atienza na suspek sa pagbaril at pagpatay sa motorcycle rider na si Anthony Mendoza.
Sa panayam ng programang “Ratsada Balita”, sinabi ni QCPD Director Chief Supt. Guillermo Eleazar na wala silang itinakdang deadline sa posibleng pagsuko ni Atienza.
Dagdag pa ni Eleazar, wait and see attitude sila hinggil sa magiging development ngayong araw sa naturang usapin.
“Ang isang lang bagay na puwedeng makabuti sa kanyang kaso ay siya’y sumurender rather than mahuli natin siya, patuloy po ang ating imbestigasyon at manhunt operation, sa ating documentation lahat ng piece of evidence, testimonya pati na yung circumstantial evidence ay talagang nagtuturo kay Fredison Atienza alyas Son-son as the gunman or the main suspect sa insidenteng ito.” Ani Eleazar
Kasabay nito ipinaalala ni Eleazar na walang buting dulot ang init ng ulo sa kalsada.
“Sa road rage walang win situation, yung mga nagsisimula sa gitgitan o right of way walang lugar ang init ng ulo at kayabangan sa lansangan, dalawang bagay lang ang puwede mong puntahan whether masaktan ka o makasakit ka, either way you lose. Yung mga nagdidilim ang isipan ng mga nai-involved sa road rage ay magreresulta sa madilim na kinabukasan.” Pahayag ni Eleazar
By Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview) | AR