Binakbakan ng Bayan Bagong Alyansang Makabayan ang Quezon City Police District sa anito’y major lapse.
Ito ay matapos magpakalat ang QCPD ng mga pulis na positibo sa COVID-19 bilang bahagi ng seguridad sa huling SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes.
Una nang kinumpirma ni QCPD Chief Police Brigadier General Antonio Yarra na 51 mula sa 82 tauhan ng QCPD station 3 na nag positibo sa COVID-19 ang idineploy kaugnay sa sona security.
Nangangahulugan ito ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, Jr. na ang mga nasabing pulis ay nagtataglay na ng virus nang humarap sa mga raliyista tulad nya.
Sinabi ni Reyes na sumalang sa COVID-19 test noong Hulyo 23 ang mga nasabing pulis kaya’t malinaw na hindi nakuha ng mga ito sa mga kilos protesta ang virus at nai deploy ang mga ito kahit wala pang resulta ang kanilang test.
Dahil dito, ipinasa ni Reyes kay PNP Chief Guillermo Eleazar ang magiging hakbang sa ginawa ng QCPD na iginiit nitong tukuyin ang mga pulis na itinalagang mag monitor sa mga pagkilos noong SONA.