Handa ang Quezon City Police District (QCPD) – District Intelligence Division na magbigay ng seguridad sa mga mamamahayag na nakakatanggap ng banta sa kanilang mga buhay.
Kasunod ito ng pagbaril-patay sa radio broadcaster-commentator na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Si Percy Lapid ng DWBL.
Sa naganap na pagpupulong ng QCPD Press Corps, isa-isang kinamusta ang mga mamamahayag hinggil sa kanilang kalagayan bilang tagapaghatid ng mga balita.
Ayon kay QCPD District Intelligence Division Chief Plt.Col. Cristine Meris Tabdi, kanilang ibibigay ang seguridad at proteksiyon sa sinumang mamamahayag na may banta sa buhay.
Bukod pa dito, kanila ding isasailalim sa assessment ang mga mamamahayag kung saan nakadepende ito sa bigat o klase ng threat o pagbabanta na kanilang natanggap.
Samantala, sang-ayon naman si Tabdi na magdala ng mga armas o baril ang mga miyembro ng media kung kinakailangan basta lisensiyado at responsable sa pagbitbit nito.