Ipinagharap ng mga kasong kriminal sa City Prosecutor’s Office si Quezon City Police District Director PBGen. Remus Medina at limang iba pang opisyal matapos umanong balewalain ang umiiral na kautusan ng Korte para sa patuloy na operasyon ng “Peryahan ng Bayan” ng Globaltech Mobile Online Corporation.
Sa complaint na inihain ni Atty. Bernard Vitriolo, vice president for Legal Affairs ng Globaltech, inireklamo ng coercion, threat at intimidation si QCPD DD Remus, gayundin sina PCol. Fernando Ortega, PCol. Ellezar Matta, PCol. Redrico Maranan, PCol. Olazo at PLt. Melgar Devaras.
Isiniwalat ng kompanya ng sinasabing direktang paglabag ni Remus sa karapatan nito na ipagpatuloy ang operasyon na ginagarantiyahan ng status quo ante order na iniutos ni Presiding Judge Nicanor Manalo, Jr. ng Pasig Regional Trial Court Branch 161 noong Mayo 17, 2016.
Ayon sa rekord, ang kautusan ay kinatigan din ng Court of Appeals matapos utusan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na patuloy na magpadala ng opisyal na kinatawan para sa PNB draw ng Globaltech.
Magugunitang batay sa desisyon ng CA, ibinasura nito ang petition for certiorari na inihain ng PCSO upang kanselahin ang operasyon ng Globaltech at unanimous na kinatigan ng appellate court ang inilabas na kautusan ng Pasig RTC.
Bukod dito, kamakailan lamang, maging ang Office of the City Attorney ng lungsod Quezon ay nagbigay na rin ng opinyon na nararapat lamang na kilalanin ng Globaltech at PCSO ang umiiral na status quo ante order hangga’t walang resulta ang kanilang arbitration proceedings.
Binigyang-diin pa ng Globaltech na hindi kinilala ng QCPD ang utos ng korte sa ginawa nitong pagpasok at pagpapasara sa PNB ng kompanya sa Timog Quezon City noong April 19, 2022.