Idinepensa ng QCPD o Quezon City Police District ang ginagawa nilang pagbabahay-bahay sa Payatas para magsagawa ng drug test sa mga residente.
Ayon kay Senior Superintendent Guilermo Eleazar, hepe ng QCPD, hindi naman mandatory o hindi nila pinipilit ang mga residente na magpa-drug test.
Ipinaliwanag ni Eleazar na mayroon rin naman silang alok na livelihood at drug rehabilitation para sa mga nagpopositibo sa drug test.
Una rito, inireport ng Vera Files, isang independent media organization na pinupuntahan ng mga pulis ang mga residente ng Payatas upang hingan ng sampol ng ihi at malaman kung gumamit sila ng shabu o marijuana sa nagdaang pitong araw.
Karaniwan umanong may pangalang hinahanap ang mga pulis sa bahay na pinuntahan.
Gayunman, kapag wala umano ang pangalang hinahanap ay isinasailalim na lang sa drug test kung sinuman ang abutan sa bahay.
House-to-house drug testing ng QC police sa Payatas ikinaalarma ng ilang senador
Ikinaalarma ni Senador Leila De Lima ang pagsasagawa ng house-to-house drug testing ng Quezon City police sa Payatas bilang bahagi ng kanilang drug clearing operations.
Ayon kay De Lima, paglabag sa due process at hindi maituturing na perpekto ang resulta ng naturang drug test dahil sa paggamit ng mga “do it yourself testing kit” ng mga hindi accredited na tao at ahensiya.
Sinabi pa ni De Lima, ang mga mahihirap na Pilipino ang nahaharass sa nasabing hakbang ng Quezon City police kung saan tila napaparatangan na sila.
Sinabi naman ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto na dapat masuri kung lehitimo o hindi ang ipinatutupad na drug testing ng Quezon City Police.
Magugunitang nag-post sa kanyang Facebook account si Father Danny Pilario ng parokya ng Ina ng Lupang Pangako sa Payatas ng mga detalye kaugnay ng isinasagawang house-to-house drug test ng Quezon City police sa Barangay Payatas.