Lumabag sa health protocols ang Quezon City Police District (QCPD) nang i-deploy ang mga pulis na hindi pa nakukuha ang resulta ng kanilang COVID-19 test sa huling SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes.
Ayon ito kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire matapos i-report ng QCPD na 51 mula sa 82 pulis na nag positibo sa COVID-19 ang idineploy nila noong SONA.
Hulyo 23 nang sumalang sa COVID-19 test ang mga nasabing pulis at Hulyo 28 na nakuha ang resulta ng test.
Sinabi ni Vergeire na hindi dapat idineploy ang mga nasabing pulis habang wala pang resulta ang COVID-19 test ng mga ito kaya’t malinaw na lumabag ang QCPD sa health protocol.
Binigyang-diin pa ni Vergeire na posibleng maging super spreaders pa ang mga naturang pulis na nag positibo sa COVID-19.