Nagpatupad ng traffic rerouting ang QCPD o Quezon City Police District para sa nakatakdang SONA o State of the Nation Address ng pangulo ngayong araw.
Sa ipinalabas na abiso ni QCPD Director Police Brig. General Joselito Esquivel Jr., pinaalalahanan nito ang mga motorista kaugnay ng inaasahang mabigat na trapiko bunsod ng mga aktibidad sa paligid ng Batasang Pambansa Complex.
Aniya, simula kaninang 12:01 ng hating gabi, sarado na ang northbound ng Commonwealth Avenue mula Home Depot hanggang u-turn sa Sandiganbayan.
Gayundin ang eastbound ng IBP mula Filinvest 1 hanggang Sinagtala para makabigay daan sa aktibidad ng mga raliyistang pro administration.
Habang pagsapit ng alas 4:00 ng hapon magpapatupad na ng lockdown sa kahabaan ng IBO Road.
6:00 naman mamayang gabi kung kailan inaasahang tapos na ang SONA, tanging ang westbound lane ng IBP Road na patungong Sandiganbayan tunnel ang bubuksan para sa mga VIP na lalabas ng southgate ng Batasang Pambansa patungong Commonwealth Avenue.
Mananatili namang sarado ang westbound lane ng IBP mula Litex patungong Batasan Complex hanggang sa susunod na ipalalabas na abiso.