Iginiit ng Anakpawis Partylist ang pagpapanagot sa Quezon City Police District (QCPD) matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 ang kanilang paralegal na si Paolo Colabres.
Ayon sa Anakpawis Partylist, nagpositibo sa COVID-19 si Colabres makaraan itong arestuhin ng pulisya at ikulong dahil sa pagbabantay sa labi ng pinaslang na peace consultant na si Randy Echanis.
Anila, inilagay sa peligro ng QCPD ang kalusugan ni Colabres nang ikulong ito sa siksikang piitan sa Camp Karingal kung saan posibleng may nakasama itong COVID-19 positive na inmate gayundin sa pagkakaantala sa paglaya nito.
Binigyang diin pa ng Anakpawis na dapat managot ang QCPD hindi lamang sa paglalagay sa panganib ng kalusugan ni Colabres kundi maging ng lahat ng nakapiit sa naturang kulungan.
Inaresto si Colabres kahit walang warrant noong Agosto 11 dahil sa pagbabantay sa labi ni Echanis.
Kasalukuyan nang naka self-isolate at nagpapagamot si Colabres.