Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang kasong estafa at falsification of public document na isinampa laban sa may-ari at dalawang opisyal ng WellMed dialysis center.
Sa ipinalabas na kautusan ni QCRTC branch 219 judge Janet Abergos – Samar, kinatigan nito ang inihaing motion to quash ng akusadong si Bryan Sy, may ari ng WellMed dahil sa kawalan nila ng hurisdiksyon sa kaso.
Paliwanag ni Samar, ang metropolitan trial court ang may hurisdiksyon sa mga kasong inihain ng NBI laban sa mga akusado.
Aniya ang kasong estafa na nagkakahalaga ng 5,200 piso hanggang 39,000 piso ay may parusa lamang na dalawang buwan at isang araw hanggang anim na buwan na pagkakakulong.
Habang ang falsification of public documents ay may parusa namang dalawa hanggang apat na taon at isang araw hanggang anim na buwang pagkakakulong.
Iginiit ni Samar, hindi usapin ng merito o pananagutan ng akusado ang dahilan ng pagbasura sa kaso kaya maaari itong isampang muli ng NBI sa tamang korte.