Nag-alok ang House Quad Committee na sasagutin ang lahat ng gastusin, kabilang ang airfare at accommodation ni dating pangulong Rodrigo Duterte at ng kanyang entourage para lamang personal na dumalo sa imbestigasyon ng kamara kaugnay sa sinasabing extrajudicial killings noong war on drugs ng kanyang administrasyon.
Ayon kay Quad Comm overall Chairman at Surigao Del Norte Second District Representative Robert Ace Barbers, handang sagutin ng komite ang lahat ng gastusin ng dating pangulo, masagot lamang ni Duterte ang lahat ng kanilang katanungan.
Karapatan anya ng publiko na malaman ang buong katotohanan tungkol sa sinasabing pang-aabuso ng philippine National Police sa kanilang mga anti-drugs operations.
Una rito, sinabi ni dating pangulong Duterte na wala na siyang sobrang pera at magastos para sa kaniya ang pumunta sa Maynila mula Davao.
Giit pa ng dating pangulo, wala na siyang dapat pang ipaliwanag sa kamara dahil sinabi na niya lahat sa pagdinig ng senado noong nakaraang buwan.