Gagamitin ng Department of Justice ang report ng quad Committee ng Kamara, para pagtibayin ang mga ebidensya at kaso laban sa mga dawit sa extrajudicial killings sa war on drugs campaign ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Justice Undersecretary Jesse Andres, bago pa man matapos ang Quad Comm Report ay bumuo na sila ng task force sa National Prosecution Service, upang tutukan ang imbestigasyon sa ejks at marami na silang nakalap na ebidensya.
Kaugnay nito, malaking tulong aniya ang imbestigasyon ng kamara lalo na ang pagpapatawag sa mahahalagang resource persons kung saan maraming naisiwalat at mga pag-amin na maaaring maging “self-incriminating.”
Nakikipagtulungan na rin aniya ang NBI at PNP upang mapalakas pa ang ebidensya.
Maaalalang inirekomenda na ng Quad Comm ang pagsasampa ng kasong Crimes Against Humanity laban kay dating pangulong Duterte at iba pang personalidad kaugnay ng EJKs at sinasabing reward system sa war on drugs. – Mula sa ulat ni gilbert Perdez (Patrol 13)