Napasakamay muli ng PhilHealth o Philippine Health Insurance Corporation ang ISO 9001:2015 Certification para sa Quality Management System matapos ang masusing third party audit na isinagawa sa mga tanggapan nito sa buong bansa sa taong ito.
Ang nasabing certification ay itinuturing na pandaigdigang pamantayan para sa quality management ng isang organisasyon, ahensya o kumpanya at sumasalamin sa mabuti at maayos na mga sistema tungo sa de kalidad na serbisyo sa mga kliyente at stakeholders nito.
Dahil dito, pinapurihan at ipinagmalaki ni PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr. ang mga opisyal at kawani ng ahensya na nagtataguyod ng quality management system sa operasyon ng PhilHealth.
Ang certification aniya ay hindi lamang isang karangalan kundi patunay ng kanilang commitment sa mahusay na pamamalakad, pagpapabuti ng serbisyo at dedikasyon sa paggawa kasabay ang pangakong itutuluy tuloy ito para na rin sa kapakanan ng lahat ng PhilHealth members sa buong mundo.