Nasa kamay na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang desisyon kaugnay sa magiging quarantine status ng National Capital Region (NCR).
Ito ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque matapos lumabas ang rekomendasyon ng Metro Manila Mayors na manatiling nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang NCR hanggang sa matapos ang taon.
Ani Roque pag-aaralan pang mabuti ng IATF ang naturang pinagkasunduang rekomendasyon ng mga alkalde ng kalakhang Maynila.
Hindi umano niya maaaring pangunahan ito dahil sa maraming bagay ang kailangang isaalang-alang.
Gayunman tiniyak ni Roque na kahit pa mapagdesisyunan ng IATF na isailalim pa rin sa GCQ ang Metro Manila hanggang sa matapos ang taon, maaari na ring unti-unting magbukas ang ilang industriya sa rehiyon.
Bagama’t naka GCQ kasi umano ang Metro Manila, nagkakaroon na rin ng mas malawak na pagbubukas ng mga negosyo para makatulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.