Isinusulong ng University of the Philippines (UP) OCTA Research team sa gobyerno ang pagpapatupad ng mas mahigpit na quarantine classifications sa 11 lugar.
Ito, ayon sa report ng OCTA Research team noong ika-6 ng Oktubre, na siyam na lugar ang itinuturing na high risk dahil sa daily attack rate per 1,000 dito na mas mataas sa 1%.
Bukod dito, sinabi ng research team na ang mga nasabing area ay mayroong attack rate sa kasalukuyang linggo na mas mataas kumpara sa nakalipas na dalawang linggo.
Kabilang sa mga pinasasailalim ng OCTA Research team sa mas mahigpit na quarantine ang Benguet kabilang ang Baguio City; Davao Del Sur kabilang ang Davao City; Iloilo kabilang ang Iloilo City; Misamis Oriental kabilang ang Cagayan De Oro; Nueva Ecija; Quezon; Pangasinan kabilang ang Dagupan, Western Samar at Zamboanga Del Sur kabilang ang Zamboanga City.
Dahil dito, inirekomenda rin ng experts sa national at local governments na paigtingin pa ang mga hakbangin may kaugnayan sa testing, tracing at isolation para mapigil ang pagtaas ng transmission sa mga high risk area.
Bagamat kinukunsidera namang low risk para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), isinulong ng experts na mailagay ang Cagayan at Isabela sa mas mahigpit na quarantine classifications dahil sa limitadong healthcare capacity.
Tinukoy ng OCTA Research team ang paglala ng sitwasyon sa kaso ng COVID-19 sa Benguet, Cagayan, Isabela, Nueva Ecija, Quezon, Pangasinan, Davao Del Sur, Iloilo, Misamis Oriental, South Cotabato, Surigao Del Sur, Western Samar at Zamboanga Del Sur.