Pinawi ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (QCESU) ang pangamba ng mga residente sa lungsod hinggil sa nakapasok nang UK variant ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ito ay makaraang kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na isang Pinoy na residente ng Quezon City na umuwi mula sa United Arab Emirates (UAE) ang naturang kaso.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Dr. Rolly Cruz, head ng QCESU, na kaagad na naipatupad ang mga quarantine measures sa naturang Pinoy, gaya na lamang ng pagku-quarantine matapos itong magpositibo sa virus.
Wala pong dapat ikatakot ang ating mga kababayan sa QC dahil naapply natin agad ang ating quarantine measures,” ani Cruz.
Tiniyak din ni Cruz ang pagko-contact trace sa lahat ng mga posibleng nakasalamuha ng pasyente upang maagapan ang pagkalat pa ng bagong variant.
Ang pamahalaan ng Quezon City will do its best to contact trace and quarantine all possible na merong contact [sa kanya],” ani Cruz.
Samantala, muli namang nagpaalala si Cruz na gawin ang mga minimum health standards gaya ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask at face shield, at pagpapanatili ng physical distancing.
Kailangang lahat po tayo nagpa-practice ng minimum health standards,” ani Cruz. —sa panayam ng Ratsada Balita