Pinahihigpitan ni Pangulong Noynoy Aquino sa Department of Health (DOH) ang pagbabantay at quarantine measures sa lahat ng ports of entry kaugnay sa posibleng pagpasok sa bansa ng Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus o MERS-CoV.
Kasunod ito ng ulat na isang dayuhan mula sa Gitnang Silangan ang nakapasok sa bansa at kinakitaan ng sintomas ng MERS-CoV.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na kumikilos na ang DOH para sa contact tracing lalo na sa mga taong nakahalubilo ng dayuhang hinihinalang may MERS-CoV na ngayon ay sinusuri sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM.
Dagdag pa ni Coloma, kailangan ding maging alerto ang mga ospital para i-report ang mga pasyenteng kinakitaan ng sintomas ng MERS-CoV para agad na maihiwalay sa ibang pasyente at agad malapatan ng lunas.
Stable na
Inihayag ng Department of Health (DOH) na stable na ang kondisyon ng dayuhan na nag-positibo sa Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus (MERS-CoV).
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni DOH Spokesman Dr. Lyndon Lee Suy na bagamat bumuti na ang kondisyon ng nasabing dayuhan na ngayon ay naka-confine sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM, kailangan pa rin itong obserbahan.
Kaugnay nito, sinabi ni Lee-Suy na may posibilidad na may MERS-CoV ang isang indibidwal kung mayroon itong travel history sa Gitnang Silangan o kaya’y sa South Korea.
By Meann Tanbio | Aileen Taliping (Patrol 23) | Chachahin Mo Baby