Hindi na kakailanganin pa ang quarantine pass para makalabas ng bahay sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Ito ang inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, maliban na lamang aniya sa ilang kondisyon na inilatag ng ilang Local Government Unit (LGU)’s.
Ayon kay año, bagama’t hindi na kailangan ang quarantine pass, hindi pa rin ito nangangahulugang “unli” o kahit anong oras na maaaring lumabas ng bahay.
Ito aniya ay dahil patuloy pa rin ang pag-iral ng curfew hours.
Habang hihingan pa rin ng quarantine pass ang mga residente sa mga piling lugar o barangay na matutukoy bilang critical at buffer zones na maaaring maisasailalim muli sa enhanced community quarantine (ECQ).
Samantala, una nang sinabi ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya na kinakailangan naman ang mga travel pass kung tatawid sa kabilang probinsiya o rehiyon.